Kapwa pinabulaanan nina Katrina Halili at ng magkasintahang sina Dr. Hayden Kho at Dr. Vicki Belo ang balitang may "secret affair" sina Katrina at Hayden. Sa magkahiwalay na panayam sa kanila ng StarTalk kahapon, May 24, ay sinabi ng dalawang panig na walang katotohanan ang naturang balita.
"Hindi ko po alam kung saan galing ‘yon. Basta OK po kami ni Dr. Belo, mataas po yung respeto ko sa kanila. Huwag naman po sana kaming gawan ng issue," sabi ni Katrina sa StarTalk host na si Joey de Leon.
Samantala, pinabulaanan naman ni Katrina ang isa pang balita na nagpupunta si Hayden sa condo unit niya.
"Ano po ang gagawin ko dun?" sagot niya sa tanong ni Joey.
Hindi rin daw totoo na si Katrina ang nagpupunta sa condo unit ni Hayden. Nagkikita lang daw sila sa clinic ni Dr. Hayden kapag may appointment ang star ng Magdusa Ka.
"OK po kami. Walang pong isyu sa amin. Tigilan niyo ako. Hindi porke't mabait na ako, hindi ko kayo papatulan!" biro ng leading lady na ngayong si Katrina.
THE DOCTORS ARE IN. Sa taped interview naman kay Dr. Belo, sinabi niyang: "Alam mo, baby kasi namin si Katrina. Kasi si Katrina, pasyente naming ilang taon na. And napakabait na bata, sobrang sweet, sobrang bait. Si Katrina, hindi ako mai-insecure kasi napaka-loyal ng batang ‘yan. She'll never do anything like that... Alam ko naman maraming magkekerengkeng kay Hayden ‘pag pumasok na siya sa showbiz, pero hindi si Katrina."
Ayon naman kay Hayden, "OK lang yung mga inintriga, pero huwag naman sanang parang pinapaniwala yung mga tao kasi naaapektuhan yung... Sa ngayon wala pa, pero makakaapekto ‘yan sa relationship namin ni Vic, and siyempre sa akin din. Napakabait ng batang ‘yon [Katrina]. Very sweet yung image niya, huwag naman sana."
Dagdag pa ni Dr. Belo, "Baka mahiya na si Kat sa amin, iba na lang. Pumili na lang kayo ng iba..."
"Mahal namin si Katrina. Mahal ko si Katrina. Mahal niya [Dr. Belo] rin si Katrina. Mahal talaga namin si Katrina," sambit naman ni Hayden. - Philippine Entertainment Portal